Pumalo na sa kabuuang 31,352 overseas Filipinos ang napauwi ng pamahalaan simula nang ipatupad ang mga repatriation efforts para sa mga Pilipinong apektado ng COVID-19.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), sa nasabing bilang, 20,633 o 65.8% ang sea-based habang 10,719 o 34.2% ang land-based.
Kasama rin sa datos ang pagdating ng mga overseas Filipino workers (OFW) na nanggaling sa United Arab Emirates (UAE).
Sinabi ng ahensya, patuloy pa rin ang repatriation sa mga gustong umuwi ng bansa.
Naglabas na rin ng abiso ang DFA kung saan ang sinumang Pinoy sa ibayong dagat na nais makauwi ng Pilipinas ay maaaring ipagbigay-alam sa embahada o konsulado sa kanilang lugar.
Sang-ayon sa Department of Health (DOH), lahat ng pabalik na Pinoy abroad ay kinakailangang sumailalim sa pagsusuri at mandatory quarantine sa government-designated facilities habang hinihintay ang resulta ng kanilang test.