Kampante ang National Anti-Poverty Commission (NAPC) na maabot ng pamahalaan na mapababa ang poverty incidence sa bansa ng hanggang sa single digit lamang.
Ayon kay NAPC Lead Convenor Secretary Lope Santos III, pinagsisikapan ng pamahalaan na maibaba ng hanggang 18.1% ang poverty incidence na unang naitala noong 2021.
Ito ay katumbas ng 20 milyong Pilipino o 3.5 milyong pamilya.
Ani Santos III, nasa tamang direksyon ang tinatahak ng pamahalaan, kasama na ang lahat ng ginagawang programa para matugunan ang kahirapan sa bansa.
Naniniwala ang kalihim na malaki ang maitutulong ng bawat ahensiya ng pamahalaan para matugunan ang kahirapan sa bansa, at tuluyang maibaba ang bilang ng mga mahihirap na Pilipino.
Kailangan din aniyang mapanatili ang mga programa ng pamahalaan na unang binuo para matugunan ang kahirapan, katulad ng suplemental feeding sa mga bata, Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), at pagbibigay subsidiya sa ibat ibang sektor, katulad ng mga magsasaka, mangingisda, atbp.