-- Advertisements --

Sinuportahan ng National Anti-Poverty Commission–Formal Labor and Migrant Workers Sectoral Council (NAPC-FLMWSC) ang panawagan na magawaran ng executive clemency ang Pinay drug convict na si Mary Jane Veloso.

Ginawa ng naturang konseho ang pahayag, kasunod na rin ng pagpayag ni Indonesian President Prabowo Subianto na ilipat si Veloso sa Pilipinas at dito ipagpatuloy ang natitirang sentensya.

Sa inilabas na pahayag ng konseho, kinilala nito ang pagsisikap ng administrasyong Marcos na mapagaan ang sentensiya ni Veloso at ang tuluyang pagpapauwi sa kaniya dito sa bansa.

Gayunpaman, sinabi ng konseho na mas matutuwa ang mga Pilipino kung gagawaran na ng clemency ang Pinay worker upang tuluyan na rin niyang makasama ang kaniyang mga pamilya.

Ayon sa NAPC, ang pagbibigay ng clemency kay Veloso ay napapanahon ngayong darating na Kapaskuhan.

Samantala, nagpasalamat din ang komisyon sa Indonesian government sa pagpayag na makabalik si Veloso sa Pilipinas.

Nitong nakalipas na lingo nang inanunsyo ng Malacañang ang pagpayag ni Indonesian Pres. Subianto na makabalik na sa Pilipinas si Veloso matapos ang mahigit sampung taong pagkakakulong sa Indonesia.