Pinuri ni National Anti-Poverty Commission (NAPC) Secretary Lope Santos III ang Department of Education (DepEd) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ito ay dahil sa kanilang mga programa na nakatuon sa pagbibigay ng nutritional services sa mga bata.
Ginawa ng opisyal ang pahayag kasabay ng isinagawang joint Technical Action Officers-Technical Working Group meetings ng gobyerno at basic sectors.
Ayon kay Santos nakamit ni Education Secretary at Vice President Sara Duterte at Social Welfare Secretary Rex Gatchalian ang malalaking hakbang sa pamumuno sa kani-kanilang departamento sa patuloy at pinalawak na pagpapatupad ng kani-kanilang feeding program ng kanilang ahensya sa ilalim ng Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act.
Iniulat ng DepEd na Php 11.7 bilyon ang gagamitin ngayong taon para sa School-Based Feeding Program (SBFP) na naglalayong mapabuti ang classroom attendance at ang nutritional status ng mga undernourished schoolchildren.
Ang ahensya ay magbibigay rin ng masustansyang produktong pagkain at gatas sa humigit-kumulang 1.7 milyong bata mula Kindergarten hanggang Grade 6 sa loob ng 200 araw sa School Year 2024-2025.
Noong nakaraang taon, nag-invest ang DepEd ng Php 5.7 bilyon sa SBFP na nakinabang sa 1.7 milyong mag-aaral sa loob ng 120 araw.
Sa kabilang banda, Php 4 bilyon ang inilaan para sa Supplemental Feeding Program ng DSWD sa 2024.
Ang programang ito na partikular sa nutrisyon ay nagbibigay din ng pagkain at sariwang gatas sa loob ng 120 araw sa mga batang nakatala sa mga Child Development Center at Supervised Neighborhood Play na pinapatakbo ng lokal na pamahalaan.
Idinagdag pa ng Kalihim, bukod sa mga benepisyong pangkalusugan at edukasyon sa mga bata, ang mga programa sa pagpapakain ay nagdudulot din ng kabuhayan at mga oportunidad sa trabaho sa agrikultura, partikular sa mga lokal na industriya ng pagawaan ng gatas at pagproseso ng pagkain.