-- Advertisements --

Ipinag-utos ng National Police Commission (Napolcom) ang paghahain ng kasong administratibo laban sa pulis na si Patrolman Francis Steve Fontillas dahil sa partisan remarks nito kasunod ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ipinaliwanag ni Napolcom commissioner Rafael Vicente Calinisan na ang ginawa ni Fontillas ay paglabag sa Primer on Personnel Decorum at Code of Ethics ng PNP at iba pang PNP rules dahil sa paggamit nito ng social media para sa partisan political activity.

Ayon sa opisyal, ang mga post ni Pat. Fontillas ay malinaw na “malicious at criminal in nature” dahil pasok ito sa inciting to sedition.

Aniya, bagamat may karapatan para sa malayang pagpapahayag ang mga kapulisan gaya ng isinasaad sa konstitusyon, ang mga karapatang ito ay limitado dahil sa kanilang obligasyon na manatiling neutral at umiwas sa mga gawaing makakasira sa tiwala ng publiko at sa pananaw ng publiko sa kanilang impartiality o walang pinapanigan.

Iginiit ni Calinisan na dapat ang mga uniformed personnel ay manatiling apolitical dahil ang pangunahing tungkulin ng PNP ay tiyakin ang kaligtasan ng publiko, ipatupad ang batas at pagsilbihin at protektahan ang taumbayan.

Ibinabala din ng Napolcom official na mabigat na parusa ang naga-antay sa mga lalabag sa elections laws, civil service rules, mga polisiya ng Napolcom at PNP at iba pang administrative guidelines.