-- Advertisements --

Tiniyak ng National Police Commission (NAPOLCOM) na gagawin nila ang lahat para maibalik ang kabuuan ng mga benepisyo na tinatanggap ng mga pulis pensioners at kanilang mga beneficiaries.

Ito’y matapos na ipatigil ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagbibigay ng NAPOLCOM ng mga death and disability benefits sa mga pulis sa dahilang ito umano ay maituturing na “double compensation.”

Batay sa naging pahayag ng DBM ang natatanggap na benepisyo ng mga pulis mula sa NAPOLCOM ay pareho rin sa benepisyong tinatanggap nila sa PNP.

Paliwanag naman ni NAPOLCOM vice chair Atty. Rogelio Casurao, tinukoy nito ang Paragraph 2, Section 8, Article IX-B ng 1987 Constitution kung saan nakasaad na “Pensions or gratuities shall not be considered as additional, double, or indirect compensation.”

Giit pa ni Casurao, ang binibigay ng NAPOLCOM ay gratuity pay at monthly pension sa PNP retirees na “permanently incapacitated“ sa pagganap ng tungkulin (TPPD Benefits) at sa mga benipisyaryo ng mga pulis na namatay “in the line of duty” (Death Benefits).

Habang ang PNP aniya ay hindi nagbibigay ng death and TPPD Benefits, kundi sickness benefits lang at NAPOLCOM lang ang nagbibigay ng burial pay.