ILOILO CITY – Walang nakikitang masama ang National Police Commission (Napolcom) sa ginawang pananakit ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Major Guillermo Eleazar kay Police Corporal Marlo Quibete ng Eastern Police District Drug Enforcement Unit matapos na mangikil ng P200,000 sa kaanak ng kanilang naarestong drug suspek.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Napolcom Region VI Director Atty. Joseph Celis, sinabi nito na ang bawat pulis ay nararapat na disiplinahin ng kanilang matataas na opisyal.
Ayon kay Celis, ang ginawang pananakit ni Eleazar kay Quibete ay nararapat lang upang hindi na pamarisan pa ng ibang mga pulis.
Inamin rin ni Celis na ang ginawa ni Eleazar ay hindi karaniwan dahil nangyari ito sa harap ng media.
Ani Celis, maaari namang magsampa ng kaso ng civil damages si Quibete laban kay Eleazar kung sa tingin nito ay napahiya siya at nalabag ang kanyang karapatang pantao.