-- Advertisements --

ILOILO CITY – Magsasagawa na rin ng sariling imbestigasyon ang National Police Commission (NAPOLCOM) hinggil sa isang pulis sa Iloilo na binaril patay matapos nag-amok at nanaksak ng kasamahang pulis sa Babuyan, Estancia, Iloilo.

Ang namatay na pulis ay si dismissed Police Master Sergeant Leonidiz Labaroza nang nabaril ito ng isang personnel ng Estancia Municipal Police Station matapos na nag- amok ito habang may hawak na kutsilyo at tinangka pang sunugin ang kanilang bahay.

Sa proseso ng pakikipagnegosasyon, nanlaban ito at sinaksak ang pulis na si Patrolman Jason Villamor kung kaya’t napilitan ang mga otoridad na barilin ito na dahilan ng kanyang pagkamatay.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Joseph Celis, director ng (NAPOLCOM) Region VI, sinabi nito na bahagi ng trabaho ng isang pulis na malagay sa alanganin ang kanilang buhay.

Ayon kay Celis, sa mga katulad na sitwasyon, mahalaga rin ang element of immediacy sa kondisyon na ito ay hindi labag sa batas.

Aniya, sa ngayon, isang impartial at independent investigation ang gagawin ng NAPOLCOM upang alamin ang totoong nangyari.

Napag-alaman na si Labaroza ay dating imbestigador ng police station ng bayan ng Estancia at Balasan sa Iloilo.