Tumanggi ang kampo ng tinaguriang pork barrel queen na si Janet Lim Napoles na maghain ng depensa sa Sandiganbayan kaugnay ng kanyang patung-patong na kasong may kinalaman sa Malampaya fund scam.
Nitong umaga nang dumating sa 3rd Division ng anti-graft court si Napoles para sa arraignment ng kanyang halos 200 criminal charge, pero tumanggi itong maghain ng depensa sa halos 100 reklamo ng graft at malversation.
Kaugnay nito, ipinagpaliban naman ng Sandiganbayan ang schedule sana ngayong araw ng pormal na pagbabasa ng mga reklamo sa kapwa akusado ni Napoles na si Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr.
Ni-reset ito sa May 31 ng alas-8:30 ng umaga.
Ayon sa anti-graft court, nakabinbin pa rin ang apela ni Andaya sa pagbasura ng korte sa mosyon nitong nagpapa-dismiss sa kanyang kaso.
Nakasaad doon na bigo ang prosekusyon na patunayang sangkot siya sa kontrobersya bilang kalihim noon ng Department of Budget and Management.
Nag-ugat ang kaso ng dalawa noong 2009 matapos umanong payagan ni Andaya ang release ng P900-million na Malampaya fund para sa relief operations ng mga naapektuhan ng bagong Ondoy at Pepeng.
Pero nabatid na napunta lang sa mga pekeng non-government organizations ni Napoles ang naturang milyones.