-- Advertisements --
Divine Wally
Divine Wally

BAGUIO CITY – Hindi naging hadlang ang nararamdamang shoulder pain ng two-time world wushu gold medalist na si Divine Masadao Wally para maipanalo nito ang finals ng wushu sanda 48kgs division laban sa kinatawan ng Vietnam.

Ibinahagi ito ni Wally sa panayam ng Bombo Radyo sa kanya matapos makuha niya ang gold medal sa nasabing event sa nagpapatuloy na 2019 SEA Games.

Aniya, kinondisyon niya ang kanyang katawan para hindi niya masyadong maramdaman ang sakit kahit na mild pain lamang ito.

Napag-alamang nakuha niya ang nasabing shoulder injury dahil noong 2016 at pabalik-balik dahil sa tuluy-tuloy na pagsasanay niya.

Sinabi ni Wally na pangalawang pagsabak niya ngayon sa SEA Games dahil huling pagsabak niya sa biennial event ay noon pang 2013 kung saan naiuwi niya ang silver medal sa kanyang SEA Games debut.

Gayunman, hindi siya nakasabak sa SEA Games noong 2015 at 2017 dahil hindi dinagdag ng mga host countries ang sanda event sa wushu competitions.

Dinagdag niya na naiiba ang gold medal na nakamit niya ngayong 2019 SEA Games dahil nakamit niya ito dito sa bansa kung saan ginaganap ang multi-sport event.

Laking pasasalamat ni Wally sa presensia ng kanyang pinsan na si Pinoy MMA legend at dating ONE Lightweight World Champion Eduard Folayang na nakadagdag sa kanyang motivation.

Tinalo ni Wally si 2019 World Wushu Championships winner Nguyen Thi Chinh ng Vietnam kung saan ikinokonsiderang sweet revenge ito sa Igorota wushu-sanda athlete matapos makaranas ng pagkatalo kay Nguyen sa quarterfinals ng semifinals ng 2019 World Wushu Championships sa China noong nakaraang Agosto.

Si Wally ay bronze medalist sa 9th Sanda World Cup 2018 at sa 2018 Asian Games at kauna-unahang babaing miembro ng Philippine Wushu Team na nanalo sa World Wushu Championship noong 2015 at sa 8th Sanda World Cup noong 2016 maliban pa sa gold medal sa 9th Asian Wushu Championship noong 2015.