-- Advertisements --

Tiniyak ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na bago pa magsimula ang local campaign period, ilalabas na nila listahan ng mga narco-politicians.

Sa darating na March 30, 2019, nakatakdang magsimula ang local campaign period.

Ayon sa kalihim, magpupulong pa muna sila ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino at Dangerous Drugs Board Chief Catalino Cuy kaugnay sa listahan ng mga narco-politicians at saka ito isasangguni kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Giit nito na sa ngayon, ongoing ang validation sa hawak nilang narco list.

Aniya, kailangan nilang matiyak na walang mga inosenteng politician ang mapabilang sa listahan dahil unfair ito para sa mga politiko na ginagawa ang kanilang trabaho at hindi sangkot sa mga iligal na aktibidad.

Batay kasi sa record na hawak ng PDEA, nasa 83 politicians ang kabilang sa kanilang narco list.

Karamihan dito ay mga mayor, governors, vice governors, vice mayors at barangay chairmen.

Una nang ibinuyang ni Año na nasa 349 na local government executives ang nagbabayad ng campaign fees sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army na nasa listahan ng DILG.

Babala ni Ano sa mga nasabing local chief executives na sasampahan sila ng kaso kung hindi nila ititigil ang pagbibigay suporta sa NPA.