-- Advertisements --

Tiniyak ng Malacañang na wala ng makapipigil pa sa hakbang ng pamahalaan partikular ng Department of Interior and Local Government (DILG) na isapubliko ang narco-list.

Ang narco-list ay naglalaman umano ng mga pangalan ng mga kandidato sa lokal na posisyon na sangkot sa iligal na droga.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, gagawin ang paglalantad sa mga politikong dawit sa illegal drugs sa susunod na linggo.

Pero ayon kay Sec. Panelo, inisyatibo ito ng DILG at walang direktiba mula kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Kasabay nito, nanindigan si Sec. Panelo na sa kabila ng agam-agam na malalabag ang karapatan sa due process ng isang naaakusahan, mas nangingibabaw at mahalagang konsiderasyon sa kanila ang national interest sa paglalabas ng narco-list.