-- Advertisements --
ANGKLA NG FLOATING BARRIER

Inihayag ni Philippine Coast Guard Spokesperson for the West Philippine Sea CG Jay Tarriela na maaaring gamitin ng Pilipinas bilang ebidensya laban sa China ang narekober nilang angkla ng pinutol na floating barriers na inilagay ng China Coast Guard sa Bajo de Masinloc shoal.

Ito ang sinabi ng opisyal nang ipakita nito sa media ang naturang angkla ng mga floating barriers na may bigat na 20-30 kilos sa ginanap na pulong balitaan ngayong araw sa bahagi ng Maynila.

Paglilinaw ni Tarriela, hindi tinanggal at bagkus ay pinutol lamang ng PCG ang angkla mula sa floating barriers na inilagay ng CCG sa nasabing lugar na layuning harangan ang mga Pilipinong mangingisda dito at nang malaman ng China na wala na ang isa sa mga anchor ng kanilang barrier ay tsaka nila tuluyang inalis ang remnants nito.

Kung maaalala, una nang sinabi ng China “self amusement” lamang ng ating bansa ang pagtatanggal ng barriers Bajo de Masinloc, kasabay ng akusasyong “fabricated” lamang daw ang mga net na nasa ilalim nito.

Sagot naman ni Tarriela na ang kanilang narekober na angkla na kanilang ipinakita ngayon ay matibay na ebidensya na hindi fabricated at patunay lamang sa mga ginagawang panghaharras at aggressive behavior ng China sa West Philippine Sea.

Samantala, bukod dito ay iniulat din ng opisyal na bagama’t wala nang floating barrier ang China sa Bajo de Masinloc shoal ay nananatili pa rin ang presensya nito sa nasabing lugar.

Ito ang nakumpirma ng Coast Guard kasunod ng kanilang isinagawang maritime domain awareness flight sa vicinity ng naturang shoal kung saan may namonitor silang tatlong China Coast Guard vessels, dalawa dito ay nasa loob mismo ng lagoon, habang ang isa naman ay nagpapatrolya sa labas nito.

May namataan din ang mga kinauukulan ng isang Chinese Maritime Militia vessel at dalawang Filipino fishing vessels sa nasabing lugar.

Bukod dito ay isiniwalat din ni Tarriela na nakatanggap ng anim na radio challenge ang PCG at BFAR mula sa CCG sa kasagsagan ng kanilang isinagawang maritime domain awareness flight sa vicinity ng Bajo de Masinloc.

Gayunpaman ay tiniyak ng PCG na magpapatuloy ang gagawin nitong pagbabantay sa teritoryo ng ating bansa sa abot ng kanilang makakaya at hindi ito aatras para depensahan ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.