Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang turnover ng remotely operated submersible drone mula sa Philippine National Police (PNP) papunta sa kustodiya ng Philippine Navy.
Ang drone ay narekober ng isang mangingisda sa San Pascual, Masbate.
Sa ngayon nagsasagawa na ang PH Navy ng imbestigasyon kaugnay sa pinagmulan nito at kung ano ang pakay nito.
Ayon sa AFP, ang naturang insidente ay nagpapakita ng kahalagahan sa koordinasyon sa pagitan ng mga lokal na mangingisda at maritime stakeholders.
Pinuri din ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang pagbabantay at patuloy na suporta ng mga mangingisda sa pag-report ng mga kahina-hinalang aktibidad. Hinihimok ng AFP ang mga ito na patuloy na makipagtulungan para masiguro ang mas epektibong monitoring sa ating karagatan.
Pagtitiyak pa ng AFP na nakasentro sila sa kaligtasan at seguridad ng maritime domain.