Kasalukyang sumasailalim sa forensic analysis na magtatagal ng anim hanggang walong linggo ang narekober na submarine drone sa karagatan ng San Pascual, Masbate.
Ayon kay Philippine Navy spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, nakuha ang submarine na nasa non-operational status.
May kulay itong yellow, red, at orange na karaniwang gamit aniya sa scientific purposes. May haba itong nasa 3.5 meters, 24 cm in diameter at may bigat na 94 kilos.
Ayon pa kay Trinidad, ang mga ganitong equipment ay ginagamit sa pagkalap ng bathymetric data gaya ng water temperature, water depth at salinity.
Sa inisyal na pagsusuri, commercial designed at lumalabas din na inilunsad ito ng isang mother ship.
Base rin daw sa open source, china ang manufacturer pero ayon sa Ph Navy, kinakailangan pa ng hard scientific evidence para masabi kung saan talaga ito nagmula.
Samantala, hindi raw ito ang unang pagkakataon na nakarekober ng ganitong klaseng equipment sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Ayon kay Trinidad kadalasang nakakarekober ng mga ganitong equipment sa northern islands at eastern seaboard.
Binigyang diin ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na itinturing nila itong seryosong bagay at magpapatuloy sila na gawin ang kanilang mandato na tiyaking ligtas at buo ang teritoryo ng Pilipinas.