-- Advertisements --

VIGAN CITY – Tatlong araw matapos ang pagtatapos ng filing ng certificate of candidacy o (COC) tuluyan na ngayong nag-withdraw sa kanyang kandidatura si vice gubernatorial candidate at Narvacan Mayor Luis Chavit Singson.

mayor chavit singson
Narvacan Mayor Luis Chavit Singson

Sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan na dulot ng bagyo Maring, nagtungo sa provincial Comelec office ang nakakatandang Singson para sa kanyang pag-atras sa pagtakbo.

Maliban kay Mayor Chavit, hindi na rin itutuloy ni Patricia “Patch” Singson ang kanyang pagtakbo bilang gobernadora ng lalawigan ng Ilocos Sur.

Ayon sa LMP president sa naging panayam ng Bombo Radyo, ang kanyang ginawang hakbang ay para sa ikakaayos o unity ng pamilya na magkaroon ng hindi pagkakaunawaan dahil sa politika.

“Tungkol sa pamilya nag-decide na ako na ‘wag ng tumakbo dahil sa understanding na ipinakita ni Gov. Ryan ang magandang pagbibitaw niya na sana siya ang tatakbo na vice governor at sinabi niyang “hindi na ako tatakbong vice governor.” Dahil sa desisyon niyang ‘yon bigyan nating halaga, hindi na rin akong tatakbong vice governor,” ani Mayor Chavit.

Sa pahayag pa ng tinaguriang “ama ng politika” sa lalawigan, sinabi nito na masaya siya at nakakapag-usap sila ni Gov. Ryan.

Una rito nagkauusap na rin nga ang magkapatid na sina Gov. Singson at dating congressman Ronald Singson.

Nagpapasalamat din ang dating deputy adviser ng NSA sa lahat ng mga tumulong para maayos ang kanilang pamilya.

Una nang sinabi ni Mayor Chavit na ang tanging paraan para maayos ang kanilang problema sa politika ay ang pagsasakripisyo o pag-atras sa pagtakbo.

Isa na lamang ang hinihintay na desisyon kung magwi-withdraw din ng kaniyang kandidatura si House deputy speaker at First Dist. Rep. DV Savellano.

Isa sa kasi sa panawagan noon ng nakakatandang Singson ay ang magpahinga muna ng tatlong taon si Savellano para pumalit bilang kongresista si Ronald.

Dahil sa pangyayaring ito, walang kalaban sina Vice Governor Singson sa pagka-gobernador at Gov. Ryan bilang bise gobernador ng probinsya.