-- Advertisements --

Tinatayang nasa 1.2 milyon na mga tricycle driver at operator ang target na mapamahagian din sa fuel subsidy program ng pamahalaan, ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG).

Kaugnay niyan ay sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año na inatasan na nila ang mga local government units (LGUs) na magsumite ng mga pangalan ng tricycle drivers at operators na eligible na makakuha ng naturang ayuda.

Ang nasabing listahan ng mga pangalan ay ipapasa sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), na nakatalaga naman sa pamamahagi ng subsidy para sa mga benepisyaryong mula sa transport sector na lubhang apektado ng mga pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.

Ayon sa kalihim, sa ngayon ay may ilang mga LGU na ang nagsumite ng listahan ng mga benepisyaryo sa kanilang tanggapan.

Makakatanggap ng nasa P6,500 na ayuda ang bawat benepisyaryo ng naturang programa.

Magugunita na kamakailan lang nang ilabas ng Comelec ang kanilang naging desisyon na pahintulutan muli ang LTFRB sa fuel subsidy program ngunit sinabing maipapatupad lamang itong muli sa oras na mailabas na ng komisyon ang resolusyon ukol dito.