NAGA CITY – Nakatakdang isagawa ang culling operation sa mga baboy sa loob ng 1km radius zone sa Barangay Sta. Salud, Calabanga, Camarines Sur, na apektado ng African swine fever (ASF).
Una rito, kamakailan lamang nang kinumpirma rin ng Department of Agriculture (DA) na muling nagpositibo sa ASF ang sample na isinailalim sa pagsusuri mula sa namatay na baboy sa naturang barangay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Kapitan Virginia Oliva, sinabi nitong kahit buhay pa at malusog ang mga baboy, kinakailangan na itong patayin para maiwasang kumalat ang nasabing sakit.
Ayon kay Oliva, humigit-kumulang sa 100 baboy ang puwedeng maapektuhan ng operasyon.
Tiniyak naman nito na may matatanggap na tulong mula sa DA at Provincial Government ang mga apektadong hog raisers.
Kung maaalala, nasa 300 baboy naman ang pinatay sa bayan ng Bombon matapos maitala ang unang kaso ng ASF doon.