KALIBO, Aklan — Inaasahang nasa 13 mga cruise ships ang nakatakdang dumaong sa Isla ng Boracay ngayong taon.
Ito ay kasunod ng pagdating sa unang pagkakataon ng MV Resorts World One sa isla.
Ayon kay Lt. Junior Grade John Laurence Banzuela, commander ng Philippine Coast Guard (PCG)-Aklan na naging ligtas at matagumpay ang pagdating ng 1,700 na dayuhang turista at crew members sakay ng naturang barko.
Sa kanilang pagdating, ipadama sa mga turista ang mainit na pagsalubong sa pamamagitan ng cultural performances ng Ati-atihan Dancers at Rondalla de Ibajay kasabay ang pagsabit sa kanila ng traditional na welcome leis.
Nagsagawa rin ng special program at palitan ng plake sa loob ng barko para sa hindi malimutang pangyayari.
Nauna dito, sinabi ng Department of Tourism Regional Office 6 na ang pagbuhos ng libu-libong mga pasahero at crew members ng naturang cruise ship ay malaking tulong upang lalo pang mapalakas ang turismo at impact sa ekonomiya ng lalawigan ng Aklan.
Ang Boracay ay kilala sa buong mundo dahil sa maputi at pinong buhangin gayundin ang magandang sunrise at sunset at cultural experiences.
Nagpapakita lamang umano na ang muling pagbuhos ng mga cruise ship sa Boracay ngayong taon ay nagpapakita ng paglakas ng sektor ng turismo.
Nabatid na ang Boracay ay nauna nang nabansagan bilang nangungunang cruise ship destination sa bansa.