ISTANBUL, Turkey – Tinatayang nasa 13 katao ang nasawi sa pagsabog ng isang car bomb malapit sa isang pamilihan sa Syria na kontrolado ng Turkish forces.
Sa pahayag ng Turkish defense ministry, sa inisyal na findings ay lumalabas din na nasa 20 ang sugatan sa pagsabog sa bayan ng Tal Ayab.
Isinisi rin nito ang insidente sa Syrian Kurdish People’s Protection Units (YPG) militia, na umano’y terrorist offshoot ng Kurdistan Workers’ Party (PKK).
Ang PKK, na nagrebelde sa Turkish state mula noong 1984, ay na-blacklist bilang isang terror group ng Ankara at ng mga kaalyado nito sa Kanluran.
Ngunit ang YPG na nasa ilalim ng Syrian Democratic Forces (SDF) ay pinangunahan ang laban kontra sa Islamic State group sa Syria na may suporta ng Estados Unidos.
Noong nakaraang buwan nang maglunsad ng opensiba ang Turkey sa northern Syria kontra sa YPG, na umani naman ng pagkondena sa international community. (AFP)