BAGUIO CITY – Nakumpiska ang aabot sa 130 boxes ng traditional Chinese medicine na Lianhua Qingwen Jiaonang sa pagsalakay ng Food and Drug Administration (FDA) agents sa pitong stalls sa ibat-ibang commercial buildings sa Baguio City kahapon.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Baguio, sinabi ni FDA North Luzon Cluster Director Gomel Gabuna na ang mga nasabing produkto ay hindi rehistrado at hindi aprobado ng FDA.
Dahil unregistered at walang FDA approval, hindi inirerekomenda na gamitin ito ng publiko lalo na kung wala namang reseta mula sa doktor.
Napag-alaman na ginagamit na panggamot ng mga sintomas ng COVID-19 ang nasabing produkto, bukod pa sa pagiging food supplement nito.
Nakumpiska ang mga gamot mula sa mga stalls sa Maharlika Building Center, Palangdao Building at Block Section ng Baguio City Public Market.
Ayon kay Gabuna, ibinebenta sa pamilihan ang mga nakumpiskang produkto sa halagang P150 hanggang P350.
Pagpapaliwanagin aniya ng FDA ang mga may-ari ng mga commercial establishments kung saan nakumpiska ang mga drug products.
Posible din aniyang maharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9711 o Food and Drug Administration Act of 2009 at ng Consumer Act of the Philippines.