LA UNION – Aabot sa 4,860 na pamilya o katumbas ng 15,837 indibidwal mula sa iba’t ibang bayan sa La Union ang matinding naapektuhan sa pananalasa ng bagyong Maring.
Base sa datos ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), ang mga biktima ng pagbaha ay mula sa bayan ng Rosario, San Juan, Bauang, Sudipen, Tubao, Pugo, Naguilian, Santo Tomas, Agoo, Bangar, Bagulin, Santol, San Gabriel, Luna, Bacnotan, Balaoan, at Burgos.
Limang katao naman ang napaulat na nawawala mula sa bayan ng Tubao at Sudipen, habang tatlo ang naitalang sugatan sa kasagsagan nang pananalasa ng bagyong Maring.
May lima din na naitalang partially damaged na mga bahay at dalawa naman ang totally damaged sa Naguilian, San Gabriel, at Santol, La Union.
Pero inaasahang madadagdagan pa ang naturang mga bilang habang patuloy ang isinasagawang assessment and monitoring, response interventions at sa ginagawang ngayong rehabilitation efforts ng mga kinauukulang opisina ng PGLU ukol sa mga sinalanta ng bagyo sa buong lalawigan.
Sa kasalukuyan, bagamat tuluyan nang nakalabas ng Pilipinas ang bagyong Maring, patuloy naman ang paalala sa mga residente na manatiling alerto lalo na ang mga nakatira na malapit sa ilog, coastal areas at sa paanan ng bundok para mabantayan ang seguridad ng pamilya.
Sa araw naman na ito, nakahanda na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Regional Field Office-1 na ipamahagi ang mga tulong para sa mga lugar sa Ilocos region na matinding binayo bagyong Maring.
Nabatid ng Bombo Radyo mula sa DSWD Regional Field Office-1, umaabot sa 23, 020 family food packs na nagkakahalaga ng P11.74 million ang maaaring ipamigay sa mga apektadong residente sa mga lalawigan ng La Union, Ilocos Sur, Ilocos Norte at Pangasinan.
Kabilang na rin dito ang 13, 629 non-food items na nagkakahalaga ng P19.4 million ang naka-prepositiod para sa mga bayan na lubhang sinalanta ng kalamidad.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Information Officer Mark Masudog ng Office of Civil Defense (OCD) Regional Office-1, sinabi nito na anumang oras na hilingin ng lokal na gobyerno ang karagdagang ayuda ay agad na ipapasakamay ang mga nasabing relief goods na magmumula sa DSWD.
Nasa pitong local government units pa lang aniya ang nakapagsumite sa kanila ng report hinggil sa mga nagsilikas na residente mula sa lalawigan ng La Union gaya ng bayan ng Rosario, Aringay, San Juan, Bauang, Sudipen, Tubao at Pugo.
Ayon pa kay Masudog, ang mga mababang lugar sa La Union ang nakaranas ng matingding epekto ng bagyo lalo na ng pagbaha.
Inaasahan aniya na sa mga susunod na oras ay makakatanggap pa sila ng mga ulat mula sa iba’t ibang lugar ng Ilocos Region.
Samantala, ayon naman kay La Union Provincial Information Officer Adamor Dagang, umaabot na sa mahigit 2,600 pamilya o nasa 7,500 individuals ang mga nasa evacuation center sa iba’t ibang bayan.
Maaaring madagdagan pa ang bilang ng mga evacaues dahil hindi pa nakakapagsumite ng report ang ibang munisipyo.
Nagpadala na rin aniya ng karagdagang tulong si Gov. Pacoy Ortega mula sa kapitolyo para sa mga bayan na nangangailangan.
Sa kabilang dako, dalawang barge naman ang sumadsad sa dalampasigan ng Caba, La Union matapos itong tangayin ng naglalakihang alon sa dagat.
Ayon sa Philippine Coast Guard, nagdisisyon umano ang kapitan ng barkong humihila sa mga naturang barge na kalasin at ihiwalay ang mga ito para sa kaligtasan ng mga crew dahil na rin sa malalaking alon sa dagat.
Mga mga crew ng barko ay nasa bayan ng Sual, Pangasinan ngayon at pinapalipas ang sama ng panahon.