Sa kabila ng kanilang pagkatanggal sa trabaho, aabot pa rin umano sa 200,000 na overseas Filipino workers (OFWs) ang nagdesisyong manatili sa mga bansa kung nasaan sila sa ngayon.
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang 200,000 ay bahagi ng 341,161 OFWs na natanggal sa trabaho o hindi na nakapag-report sa kanilang mga trabaho dahil sa lockdown dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon kay DOLE Secretary Silvestre Bello III sa ngayon nasa 343,551 pa ring OFWs na nasa ibayong dagat ang kasalukuyang apektado ng pandemic.
Karamihan sa mga apektadong Pinoy workers ay nasa America, Europe, Rome, Madrid at United Kingdom.
Gayunman, hindi na idinitalye ni Bello kung ano ang dahilan ng mga OFWs na manatili sa naturang mga bansa kaysa umuwi dito sa Pilipinas ngayong may kinahaharap ang buong mundo na pandemic.