KORONADAL CITY – Patuloy pa ring nananatili sa evacuation center ang daan-daang mga pamilya ng Brgy Ned, Lake Sebu, South Cotabato na labis na apektado ng away-pamilya o rido.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Roberto Bagong, Lake Sebu MDRRMO Officer, sinabi nitong nasa 194 pamilya o katumbas ng 970 na indibidwal ang lumikas dahil sa hindi pa rin nareresolbang away ng mga pamilya sa boundary ng Brgy. Ned at sa bayan ng Palimbang, Sultan Kudarat.
Lumikas ang mga apektadong residente sa mga evacuation centers sa Sitio Kisayan, Molmol at Tumilap sa Barangay Ned.
Kaugnay nito, nagpaabot naman ng tulong ang Lake Sebu LGU sa mga apektadong pamilya.
Namahagi sila ng matutulugan na banig, pagkain, at iba pang pangangailangan.
Maliban dito, patuloy rin ang monitoring ng 27th Infantry Battalion Philippine Army at Lake Sebu PNP kaugnay sa rido sa naturang mga lugar.