-- Advertisements --

Nakakaranas ngayon ng power interruption ang ilang residente sa ilang bahagi ng National Capital Region, at ilan pang mga karatig probinsya nito matapos ang tigil operasyon ang nasa 20 power plant sa ilang bahagi ng bansa.

Ayon Manila Electric Co., nasa 200,000 na kanilang mga customer ang apektado ng nasabing power interruption nang dahil sa abnormal grid condition na nararanasan sa ilang bahagi ng Metro Manila, Pampanga, Bulacan, Laguna, at Quezon Province.

Ito ay may kaugnayan pa rin sa pag sasailalim ng National Grid Corporation of the Philippines sa red at yellow alert sa Luzon at Visayas grid sa loob ng ilang oras.

Samantala, dahil dito ay nanawagan ang Meralco sa mga commercial at industrial customers na temporary munang mag-disconnect mula sa power grid na nasa ilalim ng interruptible load program upang mabawasan naman ang demand sa kuryente.

Habang nakahanda na rin aniya sila na magpatupad ng manual load dropping o rotational power interruption bilang bahagi ng pamamahala sa kanilang sistema.

Kasabay nito ay kapwa nanawagan naman ang Meralco at DOE sa mas maraming mga kumpanya na makiisa sa interruptible load program upang makatulong sa pagtiyak ng sapat na supply ng kuryente lalo na ngayong panahon ng tagtuyot.