Aabot na sa humigit kumulang 200,000 OFWs ang natulungan ng OWWA na makauwi ng bansa sa ilalim ng kanilang repatriation efforts sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations sa 2021 budget ng Department of Labor and Employment (DOLE) at mga attached agencies nito, sinabi ni OWWA administrator na 192,000 OFWs ang natulungan ng pamahalaan na makauwi ng bansa at sa kanikanilang mga probinsya mula noong Mayo.
Pagdating ng Pilipinas ng mga OWFs na ito, sinabi ni Cacdac na kaagad na silang nabigyan ng pamahalaan ng medical assistance bago sila mapauwi sa kanilang mga lugar.
May tulong din na ipinapaabot aniya sa pamilya ng mga nasawing OFWs abroad bunsod ng COVID-19 gaya ng cremation at funeral assistance.
Kaugnay nito ay umapela si Bataan Rep. Geraldine Roman na dagdagan ang budget ng DOLE upang sa gayon ay masiguro na hindi maantala ang pagbibigay ng tulong sa mga manggagawa at OFWs sa gitna ng pandemya.