-- Advertisements --

Umakyat pa sa halos 3,000 indibidwal ang bilang ng mga lumikas matapos na itinaas ang Alert Level 3 sa Taal Volcano noogn weekend kasunod ng naitalang phreatomagmatic burst nito, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Base sa report ng NDRRMC, kabuuang 2,961 katao o katumbas ng 869 na pamilya ang apektado ng pangyayari sa Taal Volcano.

Mula sa naturang bilang, kabuuang 2,894 katao o 854 pamilya ang nananatili sa 12 evacuation centers, habang 67 katao o 15 pamilya naman ang nananatili pansamantala sa ibang mga lugar, ayon sa NDRRMC.

Ang mga apektadong indibidwal ay pawang mula sa bayan ng Agoncillo at Laurel sa Batangas.

Samantala, sinabi naman ng Philippine National Police (PNP) na 4,143 katao o 1,228 pamilya mula sa Agoncillo, Laurel, Cuenca at Talisay ang lumikas.

Nasa 113 police personnel ang idineploy sa mga apektadong lugar katuwang ang 13 tauhan ng Philippine Coast Guard at 12 naman mula sa Armed Forces of the Philippines.