NAGA CITY – Aabot sa 30 bahay ang napinsala matapos ang pananalasa ng buhawi sa dalawang bayan sa Camarines Sur.
Una rito, pasado ala 1:30 kahapon nang magsimulang maramdaman ang malakas na buhos ng ulan sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan kung saan doon na nabuo ang buhawi na unang nanalasa sa Canaman.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Alvin Dela Rosa, Officer 1 ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO)-Canaman, sinabi nitong sentro ng buhawi ang Barangay Palo kung saan nasa 13 bahay ang nasira.
Isang bahay din aniya ang muntik nang masunog nang maputol ang linya ng kuryente sa lugar.
Samantala, dinaanan din ng buhawi ang dalawang barangay ng Libmanan.
Ayon kay Rowel Tormes, MDRRMO head ng Libmanan, dalawang bahay ang totally damaged sa barangay Malansad Viejo habang 14 iba pa ang mula naman sa Mambulo Viejo.
Kaugnay nito, nanatili muna sa mga evacuation centers ang mga apektadong pamilya mula sa mga nabanggit na bayan.
Sa ngayon, inaalam pa ng mga otoridad ang halaga ng pinsalang iniwan ng ipo-ipo lalo na sa sektor ng agrikultura.