Nasa 300 pagyanig na ang naitala sa iba’t-ibang bahagi ng Mindanao na malapit sa epicenter ng 6.3 magnitude na Cotabato quake.
Ayon kay Phivolcs Dir. Renato Solidum sa panayam ng Bombo Radyo, pinaka malakas sa mga aftershocks ay umaabot pa ng magnitude 5.2, habang marami ring mas mahihina hanggang ngayong gabi.
Inaasahang magtatagal pa ito, ngunit unti-unti nang mababawasan sa mga darating na araw.
May mga pagkakataon kasing umaabot ng ilang buwan ang mahihinang lindol, matapos ang major quake, kagaya ng naitala sa Bohol.
Ia-activate naman ng Phivolcs ang kanilang monitoring sa Mt. Apo upang malaman kung may posibleng panganib, lalo’t kasama ang Davao region sa nakaranas ng malakas na pagyanig.
“Imo-monitor natin ‘yan. Pero aalamin muna natin kung may deposito ba ng magma ang bulkan. Kasi parang soft drinks yan na kapag naalog, pwedeng bumulwak, ngunit kung wala talagang laman ‘di naman yan aapaw,” wika ni Solidum.