-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Sa loob ng halos tatlong taon, muling nasilayan ang pagdaong ng cruise ship sa isla ng Boracay sakay ang nasa 371 European tourist kasama na sa bilang ang mga crew na ang kalahati sa mga ito ay mga Pinoy.

Bumaba sa MV Seabourn Encore ang mga turista at pansamantalang namasyal sa isla kung saan, namangha ang mga ito sa mala-polbong buhangin at mala-kristal na tubig-dagat.

Sinubukan nila ang iba’t ibang water sports activities na binabalik-balikan ng mga dayuhang bakasyunista gayundin namili ang ilan sa mga ito ng souvenir items na gawa mismo ng mga tumandok (residente) ng Boracay.

Samantala, patuloy ang pagbuhos ng mga turista sa Boracay lalo na ngayong Valentine’s day kaya naman todo bantay ang Maritime Police at Philippine Coast Guard (PCG) sa kadagatan.

Ayon kay Senior Chief Petty Officer Dominador Salvino, deputy station commander for operations ng PCG Aklan na nakalatag na ang kanilang seguridad at nakadeploy na rin sa mga strategic na lugar ang ilan sa kanilang personnel.

Sa katunuyan, maraming celebrity ang namataan sa isla na kasalukuyang nagbabakasyon gayundin mas pinili na dito salubungin ang valentine’s day.

Isa na rito ang mag-asawang Marian Rivera at Dingdong Dantes kasama ang kanilang dalawang anak.

Sa kasalukuyan ay nasa 166 Department of Tourism (DOT) Accredited Accomodition Establishment ang mayroon sa isla na pwedeng matuluyan pansamantala ng mga bisita.