KALIBO, Aklan — Handa na ang mga Aklanons sa Canada para ipagdiwang ang kanilang sariling bersyon ng Ati-Atihan Festival sa Enero 11 sa St. Patrick Hall sa Vancouver.
Ito ang sinabi ni Bombo International News Correspondent Dale Lamsen na tubong Makato, Aklan at kasalukuyang naninirahan sa naturang lugar.
Ayon sa kanya ang taunang kasiyahan ay itinuturing na pinakamalaking Ati-Atihan celebration sa Canada na inorganisa ng Aklanon Sto. Niňo Association halos 44 years na ang lumipas.
Inaasahang nasa 400 indibidwal ang lalahok sa nasabing event.
Nasa limang tribu suot ang magarbo at makukulay na mga costume na binili pa dito Aklan mula sa mga kalahok na grupo ng Kalibo Sto. Niño Ati-Atihan contest ang makikibahagi sa sadsad o merry making sa saliw ng tambol sa loob ng gym at magsasagawa rin umano sila ng tradisyunal na snake dancing.
May itinakda rin umano silang premyo sa top three best Ati-Atihan group costume at biggest group.
Dagdag pa ni Lamsen na kahit malayo sila sa Aklan, gusto pa rin nilang maramdaman ang masayang Ati-Atihan festival.