Pumalo na sa 540 ang kabuuang bilang ng mga lugar sa buong bansa ang kasalukuyang nasa ilalim ng granular lockdown dahil pa rin sa tumataas na bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon sa ulat ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, nasa 191 na mga lugar ang mula Region II, 143 naman ang mula sa Cordillera Administrative Region (CAR), nasa 123 naman ang naiulat na mula sa Region I, habang umakyat naman sa 60 ang naitala sa National Capital Region (NCR), at 23 naman ang mula sa MIMAROPA.
Umabot naman sa 717 ang bilang ng mga pamilyang apektado ng nasabing lockdown o may katumbas na 1,482 na mga indibidwal.
Samantala, bilang tugon naman ng kagawaran sa ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na tulungan ang mga returning overseas filipinos ay iniulat din ng kalihim na nasa 23,970 na ang mga returning overseas filipinos ang kasalukuyang nasa ilalim ng quarantine.
Kung saan ay nag-deploy sila ng nasa 1,842 na mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at nakapagtalaga din aniya sila ng nasa 478 na mga helpdesk dito.
Kung matatandaan ay muling nakapagtala ng mataas na bilang ng mga kaso ng COVID-19 ang Department of Health (DOH) kahapon na umabot sa 37,070 na mga kasi na magtutulak naman sa kabuuang bilang nito na pumalo na sa 3,242,374 ba mga kaso ng nasabing virus sa buong Pilipinas.