-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – (update) Umabot na sa 550 pamilya o nasa 2,391 na mga indibidwal ang naitala ng Municipal Social Welfare Development Office (MSWDO)-Malay na apektado ng malaking sunog na tumupok sa halos 200 kabahayan na may tinatayang mahigit sa P20 milyon na pinsala sa Sitio Ambulong, Barangay Manocmanoc sa isla ng Boracay.

Ayon kay MSWDO-Malay head Jessica Candolita, sa nasabing bilang ay 15 pamilya o 54 mga indibidwal ang nananatili sa Manocmanoc gym na nagsilbing evacuation center at ang ilan ay nakituloy muna sa kanilang mga kakilala sa isla.

Agad umanong namigay ng sleeping kits na kinabibilangan ng banig, unan, kumot at kulambo ang lokal na pamahalaan at pamunuan ng mga malalaking establisyimento sa isla upang hindi magkasakit ang mga evacuees sa kanilang pansamantalang pananatili sa covered court.

Tinitiyak umano nila na sapat ang pagkain at iba pang mga pangangailangan ng mga apektadong pamilya na nasa evacuation center na kahit isang gamit ay walang naisalba.

Samantala, darating ngayong araw ang dagdag na relief goods para sa mga biktima ng sunog mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) region VI.