-- Advertisements --

DAVAO CITY – Pinagpatuloy ngayon araw ang paghahanap sa mga tatlo pang mga indibidwal na natabunan sa nangyaring landslide sa Diat Palo Pantukan Davao de Oro.

Ayon kay Kent Simeon, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) sa Pantukan na pahirapan ang pagpasok sa nasabing lugar kung saan maliban sa malayo ito, maputik rin ang kalsada.

Sinasabing mano-mano rin ang paghuhukay sa gumuhong lupa dahilan na posibleng hindi agad marekober ang katawan ng mga biktima.

Sa kasalukuyan, nasa dalawa ng bangkay ang nahukay na nakilalang sina Gilbert Atop, 42 anyos ug Crisanto Canopin, 47 anyos, parehong residente ng Mati City, Davao Oriental.

Karamihan sa mga biktima ang dumayo lamang sa nasabing lugar para magtrabaho.

Inihayag rin ng opisyal na bago nangyari ang insidente nagpaalala na sila sa mga lugar na delikado sa landslide na mag-ingat lalo na at ilang araw na rin na nakaranas ng pag-ulan ang lalawigan.

Nagkakaproblema rin ngayon ang MDRRMC sa kanilang retrieval operation dahil pa rin sa hindi magandang lagay ng panahon at nahihirapan na makapasok sa lugar ang mga ekepahe para mapadali ang pagkuha ng mga nalibing na mga biktima.

Binigyang linaw ni Simeon na walang gumuhong tunnel bagkus ay nakaranas ng landslide ang lugar kung saan natabunan ng lupa ang bunkhouse ng mga biktima.