(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Maaring mahaharap ng kasong paglabag ng anti-money laundering ang consignee at shipper ng 5,997 piraso na tig-1 trillion Zimbabwe dollars na mayroong katumbas na P124,000 na unang ipinuslit sa paliparan ng Laguindingan, Misamis Oriental.
Ito ay kung mabibigo ang hindi muna pinangalanan na dating alkalde na nagmula sa bayan ng Roxas, Zamboanga del Norte na umamin na may-ari ng tatlong package na nakapaloob ang pera.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Col. Raniel Valones, chief ng police aviation authority ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Northern Mindanao na nakipag-ugnayan na sa kanila ang dating alkalde at nangako na sisipot sa ipinatawag na imbestigasyon dala ang umano’y legal na mga dokumento.
Sinabi ni Valones na kabilang din sa ipinatawag nila ang shipper na si Leo Mandubay na tauhan ng consignee na naatasan magpalusot ng pera.
Una nang idineklara na umano’y mga basura ang laman ng tatlong packages na idinaan sa Laguindingan Airport subalit nang malagay sa X-ray machine ay tumambad na dolyares na pera mula Zimbabwe ang itinangka na ipuslit papunta sa Maynila.
Napag-alaman na umamin din ang consignee na binili umano niya ang nasabing bank notes sa Pagadian City sa halaga na P145,000 bago nais ipadala sa Maynila.