(Update) CENTRAL MINDANAO – Patay ang isang myembro ng Philippine National Police (PNP) sa nangyaring pananambang sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang biktima na si P/Corp. Reshemer Langurayan, 32, may asawa at intelligence officer ng Carmen Municipal Police Station (MPS) ng Carmen, North Cotabato.
Ayon kay P/Lt. Col. Bernard Tayong, tagapagsalita ng Cotabato Police Provincial Office na habang sakay ang biktima sa minamaneho nitong multicab sa Brgy Manarapan, Carmen, North Cotabato ay bigla itong pinagbabaril ng dalawang hindi kilalang suspek gamit ang kalibre .45 na pistola.
Mabilis namang tumakas ang mga namaril lulan sa isang motorsiklo patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Carmen.
Naisugod pa ang biktima sa Carmen District Hospital ngunit hindi na ito umabot ng buhay nang magtamo ng anim na tama ng bala sa iba’t -ibang parte ng kanyang katawan.
Bago nangyari ang pagpaslang sa biktima ay nagsagawa pa ito nang pagmamatyag sa mga tao na sangkot sa pagnanakaw ng motorsiklo sa bayan ng Carmen.
Tukoy na rin ng Carmen PNP ang pumatay sa kanilang kasamahan at patuloy nila ngayong iniimbestigahan.