-- Advertisements --

Nakadiskubre ang NASA Curiosity rover ng malalaking organic molecules na natagpuan sa Mars, kung saan malaking hakbang para sa space station agency na maghanap ng mga palatandaan ng posibleng buhay sa tinaguriang Red Planet.

Ayon sa NASA, natuklasan nila ang tatlong long-chain organic molecules sa mga kinuha nilang rock sample mula sa Gale Crater ng planeta kung saan nakita nila ang mga organic molecules tulad ng decane, undecane, at dodecane.

Ang mga ito ay posibleng mga piraso ng fatty acids, katulad ng nasa Earth na may papel sa pagbuo ng cell membranes at iba pang biological functions ng mundo.

Ngunit binigyang-diin ng mga siyentipiko na maaaring magmula rin ang mga ito sa non-biological na proseso.

Ang sample na tinatawag na ”Cumberland” ay hinukay ng Curiosity noong taong 2013 mula sa Yellowknife Bay, isang lugar sa Gale Crater na pinaniniwalaang dating lawa sa Mars, kung saan maaaring napreserba umano at naconcentrate ang mga molecules.

Bagamat hindi natagpuan ang mga amino acids, ang pagkakadiskubre ng mga organic compounds ay nagbigay daan naman sa bagong pag-asa na maaaring may iba pang mga organic molecules na matatagpuan sa ilalim ng Mars.

Inaasahan ng NASA na ang pagkakadiskubre sa mga ito ay magpapatibay sa plano ng Mars Sample Return mission, na naglalayong magpadala ng mga sample mula sa Mars pabalik sa Earth para sa mas malalim na pagsusuri.