-- Advertisements --

Halos P12,000 ang dagdag sa gastusin ng mga tsuper sa loob ng halos isang buwan na pasada dahil sa tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa pagdinig ng House Committee on Energy, sinabi ni House Deputy Minority Leader Stella Quimbo na karagdagang P11,880 kada buwan ang gagastusin ng isang PUJ (public utility jeepney) driver na gumagamit ng 25 litro kada araw at pumapasada sa loob ng 24 araw.

Magmula kasi aniya noong Pebrero 21, 2022, ang presyo ng gasolina ay tumaas ng 17.8 percent, habang 26.8 percent naman sa kerosene, at 35.6 percent sa diesel.

Para kay Quimbo, dapat nang maamyendahan ng Kongreso ang Oil Deregulation Law para sa “hard coding” ng oil products sa naturang batas.

Iginiit ni Quimbo na hindi naman salungat sa principle ng deregulation ang unbundling ng retail price ng domestic petroleum products, bagkus maituturing pa nga aniya bilang paraan para matiyak ang pagiging epektibo.

Gayunman, kailangan pa rin aniya ang mahigpit na pagbabanta ng Department of Energy sa unbundled retail prices, gayundin ang pagkakaroon ng minimum inventory level, para sa stabilization ng presyo.