-- Advertisements --

Nasa P45 billion posible umanong malugi sa mga magsasaka dahil sa pagbabawas ng taripa- Federation of Free Farmers
LEGAZPI CITY- Ikinababahala ng grupo ng mga magsasaka ang pasya ng pamahalaan na malaking pagbabago sa tripa sa imported rice.

Mula kasi sa dating 35% ay bababaan ito sa 15% sa pagnanais na mapababa ang presyo ng bigas sa merkado.

Ayon kay Federation of Free Farmers National Manager Raul Montemayor sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na posibleng pumalo sa P45 billion ang magiging lugi sa mga lokal na magsasaka dahil sa pagbagsak ng presyo ng palay.

Maliban pa dito ay tinatayang nasa P15 billion ag mawawalang koleksyon sa Bureau of Customs na malaking kawalan umano sa pagpo-pondo ng Rice Competitiveness Enhancement Fund.

Matatandaan na ilalim ng Rice Tarrification law, ito ang ginagamit ng pamahalaan upang pondohan ang ilang mga programa tulad ng pagbibigay ng libreng makinarya, binhi, libreng training sa mga magsasaka at murang pautang.

Ayon kay Montemayor na kung maipapatupad hanggang sa 2028 ang pagbaba sa taripa at siguradong mga importers lamang ang makikinabang habang patuloy ang pagbagsak ng mga lokal na magsasaka.

Dahil dito, sinabi ng opisyal na dapat palakasin ng pamahalaan ang lokal na kakayanan ng mga magsasaka upang mapataas ang produksyon.

Samantala, kinuwestyon din ng grupo ang National Economic & Development Authority na hindi man lamang umano nagsagawa ng pagdinig at mga konsultasyon bago ipinalabas ang naturang pasya.