Tinatayang aabot sa P960,000 ang katumbas na halaga ng nasa 240 na mga kahon ng hindi awtorisadong COVID-19 test kits ang nasamsam na mga awtoridad sa San Miguel, Maynila.
Nakumpiska mula sa apat na Chinese nationals na kinilala bilang sina Cai Hongyu, 52 taong gulang; Wen Ze Zhou, 27 taong gulang; Anna Chua, 24 taong gulang; at Bryant Ong, 42 taong gulang.
Natiklo ang apat na suspek sa isinagawang entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isang building sa Gen. Solano street sa Barangay 646 pasado alas-sain ng hapon.
Ayon kay CIDG National Capital Region field office chief Col. Randy Glenn Silvio, miyembro umano ng isang criminal group na naka-base sa Sta. Cruz, Maynila ang apat na sangkot din sa illegal online sale ng hindi pa rehistradong Clungene test kits.
Nakuha rin sa mga suspek ang isang cell phone na ginamit umano nila sa kanilang mga transaksyon.
Mahaharap naman ang mga ito sa kasong paglabag sa Republic Act 9711 o ang Food and Drug Administration Act.