DAGUPAN CITY – Namangha ang mga Pangasinense sa nasaksihang atmospheric phenomenon na tinatawag na “sun halo.”
Ayon kay Evelyn Iglesias, weather observer III ng PAGASA ( Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration)-Dagupan sa panayam ng Bombo Radyo, na indikasyon ng nalalapit na pag-ulan o ‘di kaya ay pagdating ng bagyo ang halo o kakaibang sinag ng araw.
Paliwanag pa ni Iglesias, nabubuo ang halo kapag ang sinag ng araw ay tumatagos sa “ice crystals” ng cirrus clouds na nakalutang sa himpapawid.
Maging ilang netizens ay kanya-kanyang ring post sa naturang sun halo bandang ala-1:00 ngayong Linggo ng hapon.
Noong 2013 nang namataan din ang ganitong phenomenon sa Zamboanga.
Mayroon din noong Mayo 2014 sa Legazpi, Albay at noong nakaraang taon sa Bohol.