-- Advertisements --

Umakyat na sa 13 ang bilang ng mga nasawi dahil sa “Methanol poisoning” o “Lambanog poisoning” sa Southern Tagalog area.

Sa Rizal, Laguna, naitala ang pinakamaraming namatay base sa kumpirmasyon ni Mayor Vener Muñoz.

Ito rin ang dahilan kaya nagdeklara sila ng “state of emergency” sa kanilang bayan.

Maliban sa mga namatay, halos 300 pa ang nananatili sa mga ospital, partikular na sa Philippine General Hospital (PGH), Rizal Medical Center at East Avenue Medical Center.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Bong Isles, staff ni Rizal Mayor Vener Munoz, na ilang bayan na rin sa Laguna, kasama ang provincial government ang nagpaabot ng tulong kasunod ng pagdedeklara ng state of emergency sa bayan.

Nakausap na raw ng pulisya ang supplier ng lambanog mula San Juan, Batangas at nangako ng pakikipagtulungan sa imbestigasyon ng mga otoridad.

Iniutos na rin ni Laguna Governor Ramil Hernandez ang pansamantalang pagbabawal ng lambanog sa Laguna habang iniimbestigahan ang insidente.