CENTRAL MINDANAO – Umakyat na ang bilang sa anim ang binawian ng buhay sa 6.5 magnitude na lindol na panibagong tumama sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang mga nasawi na sina Brgy Kapitan Cesar Bangot na natabunan sa bumagsak na barangay hall sa Brgy Batasan, Makilala, North Cotabato.
Sinasabing iniligtas ni Bangot ang mga bakwit sa mga nakalipas na lindol ngunit siya naman ang inabutan ngayon sa bumagsak na barangay hall kung saan marami rin ang nasugatan.
Nakilala na rin ang iba pang nasawi na sina Rommel Galicia, 20, binata, mula sa Brgy Luayon at Prescilla Varona, residente ng Brgy San Isidro sa bayan ng Makilala na kapwa tinamaan sa ulo ng mga hollowblocks mula sa gumuho nilang bahay.
Binawian din ng buhay sina Juve Gabriel Jaud, 7, ng Brgy Buena Vida at Tessie Alacayde.
Pang-anim sa mga nasawi ay si Zalika Piang na residente ng Brgy Sambulawan, Midsayap, Cotabato na inatake sa puso nang umuga ang lupa.
Nangangamba naman ang mga residente sa bayan ng Makilala dahil sa pagguho ng lupa sa paanan ng Mount Apo bunsod nang may namuong malaking pondo ng tubig o lawa sa itaas nito.
Naitala rin ang nagkabitak–bitak na mga kalsada, tulay at malalaking gusali kung saan maraming bahay ang naapektuhan.
Umaabot na rin ngayon sa 17,000 pamilya ang naapektuhan sa lindol ma patuloy pa ring nararansan ang mga aftershocks sa North Cotabato.