-- Advertisements --

Pumalo na sa 10 katao ang nasawi sa nangyaring stampede sa Astroworld Music Festival sa Houston, Texas.

Ito ay matapos na pumanaw na ang siyam na taong gulang na batang lalaki na si Ezra Blount.

Nanatili ng ilang araw si Blount sa Texas Childrens’ Hospital at ito ay naka-life support dahil sa tinamong mga pasa at sugat.

Sinabi naman ng abogado ng pamilya na si Ben Crump na isang nakakalungkot ang pangyayari at naghahanap na sila ng sagot at hustisya.

Kasama ni Blount ang ama nito na nanood ng concert nitong Nobyembre 6 concert kung saan sa kasagsagan na pagkanta ng rapper na si Travis Scott ng maganap ang stampede.

Walo agad ang nasawi habang hindi bababa sa 20 ang nasugatan dahil sa insidente.

Nangako ang singer na kanilang sasagutin ang mga gastusin ng mga biktima habang inaayos na ang kaso ng mga organizer ng concert.