BUTUAN CITY – Nagsasagawa na ng site validation ang Office of Civil Defense (OCD) Caraga sa mga lugar na may naganap na landslides lalo na sa bayan ng Carrascal, Surigao del Sur.
Sa kanilang latest situationer report, umakyat na sa walo na ang patay, dalawa ang injured at dalawa pang iba ang missing matapos ang paghagupit ng bagyong Basyang.
Karamihan sa mga namatay ay nalibing ng buhay dahil sa landslides, naanod sa tubig-baha at nalunod.
Kasama sa mga namatay ang mag-iina sa Brgy. Gamuton sa bayan ng Carrascal matapos matabunan ng rumagasang putik ang kanilang bahay na nakilalang sina Irene Benguillo, 33, at kanyang mga anak na sina MJ, 3, at AJ, 6.
Patay din sa landslide sa Brgy. Babuyan sina Zephaniah Conjurado, 10, at Blamora Ombat, gayundin sa bahagi naman ng Brgy. Magsaysay sa bayan ng Placer, Surigao del Norte nakilala ang nasawi na si Jaime Honrado, 75.
Nasawi naman sa pagkalunod ang 10-anyos na si Rosaline Gabeligno ng Brgy. Anislagan, sa bayan ng Placer, Surigao del Norte at tinangay ng malakas na agos ng ilog ang 21-anyos na si James Bañez sa Brgy. La Paz, Santiago, Agusan del Norte.
Umabot naman sa 64 na mga bahay ang totally damaged at 275 ang partially damaged.
Nakikipag-ugnayan na ang nasabing tanggapan sa kanilang mga Regional Disaster Risk Reduction and Management Council member-agencies para sa situational update at dessimination sa mga warning advisories at mga bulletins.