-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Anim na ang patay sa madugong vehicular accident na naganap sa may Purok 10, Brgy. Baan Km. 3, lungsod ng Butuan na unang kumitil ng apat na katao.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni P/Cpt. Emerson Alipit, tagapagsalita ng Butuan City Police Office, nadagdag sa mga casualties ang 16-anyos na umano’y sacristan na si Marvin Tumambad at ang kura paroko ng St. Ezekiel Moreno Parish ng Barangay Baan na si Rev. Fr. Roel Griar na siyang may-ari ng Mitsubishi Adventure na sinakyan ng mga biktima.

Dahil dito, inihayag ni Alipit na magsumite na rin sila ng supplemental affidavit upang malaman ng korte ang update sa mga namatay sa insidente.

Una rito, kasama sa mga namatay sina Tessie Cahapay, Leah Perez, 19, taga-Brgy. Sangay, Buenavista, Agusan Del Norte; Apaulgrace Casinillo; at Johnfel Antong; habang sugatan naman sina Isabel Datchille, 20; Nelfa Correos, 51 at Ralph Amper.