Kumitil na ng 11 katao sa ikalimang araw ng malawakang wildfire sa Los Angeles, California na unang sumiklab sa Pacific Palisades noong Martes, Enero 7.
Nasa tinatayang mahigit 10,000 kabahayan naman at iba pang struktura ang napinsala ng wildfire.
Sa kasalukuyan, nasa mahigit 144,000 katao na ang inatasang lumikas.
Patuloy naman ang ginagawang pag-apula ng fire crews sa 6 na wildfire na tumupok sa ilang mga kabahayan at iconic landmark sa LA na nag-iwan ng libu-libong residente na nawalan ng tahanan at suplay ng kuryente.
Ang Palisades fire ang nananatiling pinakamalaking sunog sa southern CA kung saan mahigit 21,500 ektarya na ang nilamon ng apoy sa pagitan ng Santa Monica at Malibu.
Ikalawang pinakamalaki ang Eaton fire sa hilaga ng Pasadena na tumupok sa mahigit 14,000 ektarya habang ang 4 na iba pa ay ang Kenneth fire, Lidia fire, Hurst fire at Archer fire na bahagyang mas maliit ang pinsala na nasa kabuuang humigit-kumulang 2,200 ektarya.
Samantala, nagdeklara na rin ng public health emergency ang LA dahil sa maruming kalidad ng hangin dahil sa usok at abo mula sa wildfires.