-- Advertisements --

Lumabas sa resulta ng isinagawang autopsy ng National Bureau of Investigation (NBI) sa mga labi ng nasawing Pampanga beauty queen at kaniyang Israeli fiance na nagtamo ang mga ito ng tig-2 tama ng bala ng baril sa kanilang katawan.

Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, ang nasawing beauty queen na natukoy na si Geneva Lopez ay nagtamo ng tama ng bala sa kaniyang likod at tumagos sa kaniyang dibdib gayundin sa kaniyang hita habang ang kaniyang fiance na si Yitshak Cohen ay binaril sa kaniyang dibdib at tumagos sa likod at nagtamo din ng tama ng bala malapit sa kaniyang kilikili.

Mayroon din aniyang natagpuang bala sa katawan ni Lopez na isasailalim sa ballistic examination.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, kinumpirma din ni Philippine National Police spokesperson Col. Jean Fajardo na gunshot wound ang ikinasawi ng 2 biktima base sa kanilang natanggap na kopiya ng autopsy mula sa NBI.

Aniya, mayroon na ring persons of interest sa krimen kabilang ang middleman na kinatagpo ng 2 biktima na dating pulis na na-dismiss noong 2020 at isa pang dating pulis na na-dismiss naman noong 2019 na naaresto na ng mga awtoridad.

Ayon pa kay Col. Fajardo lahat ng anggulo sa posibleng motibo sa pagpatay sa 2 biktima ay tinitignan ng PNP kabilang na ang umano’y away sa lupa.

Una rito, nadiskubre ang mga bangkay ng 2 biktima sa masukal na bakanteng lote sa isang quarry site sa Barangay Sta. Lucia, Capas, Tarlac noong umaga ng Sabado.

Kinumpirma naman ng mga kamag-anak ng 2 biktima ang pagkakakilanlan ng natagpuang mga labi base sa kanilang mga kasuotan at mga marka sa katawan.

Huli ngang namataan ang 2 noong Hunyo 21 nang magtungo ang mga ito sa Capas, Tarlac para tignan ang property na kanilang planong bilhin subalit sa sumunod na araw nakita ang kanilang sinakyang SUV na nasunog at inabandona malapit sa kalsada sa Capas, Tarlac.

Nitong linggo, nakaburol na ang labi ng nasawing Mutya ng Pilipinas Pampanga candidate sa kaniyang hometown sa Sto. Tomas Pampanga habang plano naman ng pamilya ni Cohen na iuwi ang labi nito sa Israel.