KORONADAL CITY – Naghahanda sa ngayon ang pulisya sa posibilidad na retaliatory attack ng teroristang Dawlah Islamiyah-Hassan Group matapos ang pagkamatay ng isa nilang kasamahan na umano’y trained bomber ng grupo sa isinagawang follow up operation matapos matukoy ang mga sangkot sa YBL bombing kamakailan.
Ito ang kinumpirma ni Police Lt. Col. Lino Capellan, information officer ng Sultan Kudarat Police Provincial Officer sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Capellan, ang nasawing si Aiman Mandi Ali alyas “Aiman Ali”, na residente ng Lower Purok Pinen, Brgy. Rosary Heights , Cotabato City ang isa sa mga expert bomber ng DI-Hassan Group na itinuturong sangkot sa November 6, 2022 YBL bus bombing sa Tacurong City, Sultan Kudarat.
Maliban dito, sangkot sa South Seas Bombing sa Cotabato City noong 2018 at sangkot din sa mga aktibidad ng Daulah Islamiyah Abu Turaife at Salahudin Hassan Group sa Central Mindanao.
Kasamang namatay ni Ali ang asawa nitong si Hairon Akmad Martin sa isinagawang police operation sa lungsod ng Cotabato matapos na manlaban sa operating team.
Isinilbi ng pinagsanib na pwersa ng kapulisan ang search warrant sa tinutuluyang bahay ng mag-asawa dahil sa kasong pamomomba at pagtatago ng mga iligal na armas.
Sa halip na sumuko ay nakipagputukan umano ang mga suspek na nagresulta sa pagkamatay ng mga suspek.
Nakuha sa mga ito ang ibat-ibang mga IDs, mga kagamitan sa paggawa ng bomba, baril at isang drone.
Matatandaan na sa resulta ng imbestigasyon ng YBL bombing Special Taskgroup natuklasan na ang ilan sa mga casulaties ng sumabog na bus ay kasamahan ni Ali.