-- Advertisements --

LAOAG CITY – Nagwagi ang Nasudi Chorale ng Mariano Marcos State University dito sa lalawigan ng Ilocos Norte sa 13th World Choir Games Open Competition na ginanap sa Auckland, New Zealand.

Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Laoag kay Mr. Vince Louisse Salacup, Conductor ng Nasudi Chorale, sinabi nito na ito ay matapos nilang makamit ang Golden Diploma Level IV sa Sacred Choral Music Acapella Category at Golden Diploma Level I sa Youth Choir Category.

Ayon sa kanya, naging mahigpit ang labanan dahil mahigit 300 choirs mula sa iba’t ibang bansa ang nakilahok sa pinakamalaking kompetisyon.

Aniya, ang sacred category ay pinaglabanan ng tatlo kabilang ang Miriam College High School Glee Club at isang choir group mula sa Uruguay habang ang youth category ay pinaglabanan ng pitong multi-awarded choir mula sa buong mundo.

Ipinaliwanag niya na ang pangunahing hamon sa kanila ay hindi sila magkakapareho ng oras para sa kanilang pagsasanay dahil sa magkaibang mga commitment sa pag-aaral at kung minsan ay kailangan pa nilang mag-overtime.

Sabi niya, hindi nila inaasahan na maiuuwi nila ang tagumpay dahil walong buwan pa lamang na umiiral ang kanilang grupo at ito ang unang pagkakataon na sumabak sila sa isang international competition.

Dagdag pa niya, ang Nasudi Chorale sa Mariano Marcos State University ay tinaguriang Premiere College Choir sa buong unibersidad.

Samantala, ang World Choir Games Open Competition ay inihalintulad sa isang Olympics event.